Tagalog Bibles (BIBINT)
タガログ語新約聖書
Mga Taga-Colosas 3
Tuntunin Para sa Matuwid na Pamumuhay
1Yamang kayo nga ay muling binuhay na kasama ni Cristo, hanapin ninyo ang mga bagay na nasa itaas, kung saan si Cristo ay nakaupo sa kanan ng Diyos. 2Ituon ninyo ang inyong pag-iisip sa mga bagay na nasa itaas at hindi sa mga bagay na nasa lupa. 3Ito ay sapagkat namatay na kayo at ang buhay ninyo ay natatagong kasama ni Cristo sa Diyos. 4Kapag si Cristo na ating buhay ay mahahayag, kasama rin naman niya kayong mahahayag sa kaluwalhatian.
5Patayin nga ninyo ang inyong mga bahagi na maka-lupa. Ito ay ang pakikiapid, karumihan, pita ng laman, masasamang nasa at kasakiman na siyang pagsamba sa diyos-diyosan. 6Dahil sa mga bagay na ito, ang poot ng Diyos ay dumarating sa mga anak na masuwayin. 7Ang mga ito ay inyo rin namang nilakaran noong una nang kayo ay namumuhay pa sa ganitong mga bagay. 8Ngunit ngayon ay hubarin na ninyo ang lahat ng ito: galit, poot, masamang hangarin, pamumusong, malalaswang salita na mula sa inyong bibig. 9Huwag na kayong magsinungaling sa isa't isa, yamang hinubad na ninyo nang lubusan ang dating pagkatao kasama ang mga masasamang gawa nito. 10Isuot naman ninyo ang bagong pagkatao na binago patungo sa kaalaman ayon sa wangis ng lumalang sa kaniya. 11Doon ay wala ng pagkakaiba ang mga Griyego o mga Judio, ang mga nasa pagtutuli o wala sa pagtutuli, mga hindi Griyego, mga Scita, mga alipin o malaya. Si Cristo ang lahat at nasa lahat.
12Kaya nga, bilang mga hinirang ng Diyos, mga banal at minamahal, magsuot kayo ng pusong maawain, ng kabutihan, kapakumbabaan ng pag-iisip, ng kaamuan at pagtitiyaga. 13Magbatahan kayo sa isa't isa at magpatawaran kayo sa isa't isa kapag ang sinuman ay may hinaing sa kaninuman. Kung paanong pinatawad kayo ni Cristo ay gayundin kayo magpatawad. 14Higit sa lahat ng mga bagay na ito, magbihis kayo ng pag-ibig na siyang tali ng kasakdalan.
15Ang kapayapaan ng Diyos ang siyang maghari sa inyong mga puso. Kayo ay tinawag dito sa isang katawan at maging mapagpasalamat kayo. 16Manahang sagana sa inyo ang salita ni Cristo sa lahat ng karunungan. Turuan at payuhan ninyo ang bawat isa sa pamamagitan ng mga salmo, ng mga himno at mga awiting espirituwal. Umawit kayong may biyaya sa inyong puso sa Panginoon. 17Anuman ang inyong gawin sa salita o sa gawa, gawin ninyo ang lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus na may pagpapasalamat sa Diyos Ama sa pamamagitan niya.
Tuntunin Para sa Sambahayang Kristiyano
18Mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong asawa gaya ng nararapat sa Panginoon.
19Mga asawang lalaki, ibigin ninyo ang inyong asawa at huwag kayong maging marahas sa kanila.
20Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sa lahat ng bagay sapagkat nakalulugod ito sa Diyos.
21Mga ama, huwag ninyong ibunsod sa galit ang inyong mga anak upang huwag manghina ang kanilang loob.
22Mga alipin, sundin ninyo sa lahat ng bagay ang inyong mga amo dito sa lupa, hindi lamang kung sila ay nakatingin bilang pakitang-tao, kundi sa katapatan ng puso na may takot sa Diyos. 23Anuman ang inyong gawin, gawin ninyo ito ng buong puso na para sa Panginoon at hindi para sa mga tao. 24Yamang nalalaman ninyo na kayo ay tatanggap mula sa Panginoon ng gantimpalang mana dahil ang Panginoon, ang Cristo ang inyong pinaglilingkuran. 25Ang sinumang gumagawa ng masama ay tatanggap ng kabayaran sa kaniyang ginawang kasamaan. Ang Diyos ay walang mga taong itinatangi.
Tagalog Bible Menu